Revised IRR, tapos na ng DOTr; balak ibalik sa Hulyo

Nakagawa na ang Department of Transportation (DOTr) ng revised na implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Distracted Driving Act (ADDA).

Sa isang pahayag, nilinaw ni DOTr assistant secretary for legal affairs Leah Quiambao na pinagbabawalan lang naman ang paghawak o paggamit ng mga mobile at electronic gadgets habang nagmamaneho o kaya habang sandaling nakatigil sa traffic light o intersection.

Gayunman aniya, kung mayroon namang hands-free function ang mga devices na gamit ng nagmamaneho ay papayagan naman ito.

Sinabi rin ni Quiambao na hindi sakop ng ADDA ang mga dashboard cameras o dashcams, pero hinihimok nila ang mga motorista na ilagay na lang ito sa likod ng rearview mirror alang-alang sa kanilang kaligtasan.

Kasama na rin sa revised IRR ang kahulugan ng “line of sight,” kung saan papayagan ang pagkakabit ng mga device sa loob ng “safe zone” o hindi hihigit sa apat na pulgada mula sa dashboard.

Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng ADDA ay ang paghawak sa device para tumawag, mag-text o magbasa ng text, magsagawa ng calculations, maglaro ng games, manood ng videos at mag-browse sa internet.

Target namang ibalik ng DOTr ang pagpapatupad ng ADDA sa unang linggo ng Hulyo.

Read more...