Lumikha na ang Quezon City Police District (QCPD) ng isang Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa paglutas sa pananambang sa isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) umaga ng Hunyo 14, 2017 sa West Avenue.
Ayon kay QCPD Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T Eleazar, ang grupo na tatawaging Special Investigation Task Group Enriquez, ay pamumunuan niya at may walo pang miyembro.
Ang task group ay mangunguna sa malalim na imbestigasyon at mabilis na paglutas sa kaso ni BIR District 28 Assesment Section Chief Alberto Enriquez.
Base sa kanilang imbestigasyon, binaril ang biktima sa ulo ng isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo malapit sa opisina nito sa West Avenue, Quezon City na agad nitong ikinamatay.
Kaugnay nito, pinaaaral ni PCSupt. Eleazar sa mga imbestigador ang mga nakuha nilang CCTV footage malapit sa lugar ng krimen at mga posibleng dinaanan ng mga suspek.
Tiniyak din nito na titingnan nila ang lahat ng angulo sa krimen para matunton ang mga salarin at malaman ang motibo sa likod ng pamamaslang
Umaapela din si Eleazar sa sinuman na may impormasyon sa nasabing kaso na makipagtulungan sa kanilang imbestigasyon.