DOT, tinapos ang kontrata ng tourism campaign sa McCann

Tinapos ng Department of Tourism (DOT) ang kontrata sa advertising agency na McCann Worldgroup Philippines matapos maging kontrobersyal ang “Sights” tourism ad na umano’y kinopya sa tourism campaign ng South Africa.

Ayon kay Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, bukod sa pagtapos sa kontrata ay muli silang magkakaroon ng bidding para sa bagong ad agency.

“After a diligent review of the ad materials in question, the Department of Tourism has decided to discontinue its partnership with McCann Worldgroup Philippines,” anunsyo ni Alegre sa isang press conference.

Noong una ay ipinagtanggol ng DOT ang bago nilang tourism campaign pati na ang McCann na inako naman ang responsibilidad sa isyu.

Pero paliwanag ng opisyal, ang desisyon ay matapos ang masusing pagsuri sa kwestyunableng ad at pagkunsidera sa feedback mula sa tourism stockholders at kung ano ang natanggap nila online.

Giit ni Alegre, ang kontrata sa McCann ay naipasa lang sa kanila mula sa administrasyong Aquino.

Bukod sa pagbasura sa tourism contract ay humiling din ang ahensya ng public apology mula sa McCann.

Matatandaang dati nang naakusahan ang DOT na ang logo sa ad campaign na “Pilipinas Kay Ganda” ay kinopya umano sa “Polska” ng Poland.

Binatikos din ang mga salitang “more fun” na umanoy kinopya naman sa tourism campaign na “It’s more fun in Switzerland” noong 1950s.

Read more...