Tinapos na ng Korte Suprema ang tatlong araw na oral argument kaugnay sa mga petisyon na kumukwestiyon sa idineklarang martial law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ang oral argument ngayong araw ay hindi binuksan sa publiko.
Ito ay base na rin sa hirit ni Solicitor General Jose Calida sa pangambang may masabing sensitibong impormasyon sina Defense Secretary at martial law administrator Delfin Lorenzana at AFP chief of staff General at martial law implementor Eduardo Año kaugnay sa isinasagawang operasyon ng tropa ng pamahalaan sa Marawi City.
Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng SC, present kanina sina Lorenznana at Año. Present din sa closed door hearing si Solgen Calida at mga abogado ng mga petitioner.
Sumalang aniya sa interpelasyon kanina sina Lorenznana at Año.
Ayon kay Te, inaatasan ng korte ang kampo ng magkabilang panig na magsumite ng kani-kanilang memorandum sa June 19, 2017, alas dos ng hapon sa tanggapan ng SC.
Ang memorandum ay maglalaman ng mga argumento na nais pa nilang bigyang-diin para pagtibayin ang kanilang petisyon.
Sa July 5, 2017, malalalaman na ang desisyon ng SC kung ibabasura o papaboran ang petisyon nina Albay Representative Edcel Lagman, Renato Reyes ng grupong Bayan, Cong. Antonio Tinio, at Cong. Arlene Brosas ng Gabriela Partylist.
May apat ding residente sa Marawi City ang naghain ng petisyon na kumukontra sa martial law.