Naniniwala si Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon na hindi sapat ang training ng mga security personnel ng Resorts World Manila pagdating sa emergency situations.
Pahayag ito ni Biazon, matapos mapanood ang isang CCTV footage sa ikalawang pagdinig ng Kamara kaugnay sa nangyaring pamamaril at panununog sa entertainment complex.
Sa naturang video, makikitang nagkagulatan at nagkaroon ng misencounter sa pagitan ng security guard na si Bernard Cajigas at ng grupo ni Chief Superintendent Freddie Mercado kung saan tinamaan ng bala ang guwardiya sa balakang.
Sinabi naman ni Mercado na hindi umano sumasagot ang hindi unipormadong si Cajigas nang tanungin kung kasamahan siya ng mga awtoridad.
Kumbinsido si Biazon na may crisis manual ang Resorts World Manila na naglalaman ng procedures kung ano ang dapat gawin ng security personnel nito kapag nagsagawa ng operasyon ang pulisya laban sa sinumang gunman.
Lumalabas aniyang kulang sa pagsasanay ang casino guards na naaayon sa procedure kaya’t kaduda-duda ang kakayahan nito sa pagpapatupad ng security measures.
Sa katunayan, may pitumpu’t isang scenario aniya na isinasaad sa crisis manual para mapag-aralan ng security personnel pero dalawang beses lamang umanong nagsasanay ang mga ito kada taon.