Nasa kamay na ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) kaugnay sa naganap na friendly fire sa Marawi City na ikinasawi ng sampung sundalo.
Ayon kay AFP Spokesman BGen. Restituto Padilla, natapos na ng BOI ang imbestigasyon noon pang Biyernes.
Sinabi ni Maj. Gen. Rafael Valencia, ang AFP Inspector General na inirekoemnda nila kay Año na huwag na munang isapubliko ang resulta ng imbestigasyon.
Ayon kay Valencia, makakaapekto raw kasi ito sa ginagawang operasyon ng mga sundalo sa Marawi City at posibleng mas malagay sa mapanganib na sitwasyon ang kanilang mga buhay.
Matatandaang una nang inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sumablay ang airstrike ng SF 260 aircraft dahilan para tamaan ang sampung sundalo.
Bukod sa sampung sundalo, pitong iba pa ang nasugatan sa naturang military airstrike.