Sinimulan na kahapon sa Korte Suprema ang tatlong araw na oral arguments kaugnay ng tatlong petisyong kumukwestyon sa legalidad ng proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law.
Iginiit kasi ng mga petitioners na hindi sapat ang dahilan ni Pangulong Duterte sa pagdedeklara ng martial law.
Ayon naman sa abogado ng mga kababaihan ng Marawi na si Atty. Marlon Manuel, marami pang bahagi ng Mindanao ang nananatiling mapayapa ngunit nasakop pa rin ng martial law.
Aniya, hindi makatwiran at masyadong malawak ang ginawang pagpapatupad ng martial law ng pangulo.
Giit pa ni Manuel, ang mga ginagawa ng Maute Group ay hindi tutumbas sa rebelyon na ginamit na dahilan ng pangulo para sa naturang proklamasyon.
Nilinaw naman niyang hindi naman nila ipinagkikibit-balikat ang kaguluhan sa Marawi, pati na ang mga sakripisyo ng mga sundalo at pulis.
Ang punto lang aniya nila ay maari pa rin namang pairalin ang kapangyarihan ng militar nang hindi kinakailangang magpatupad ng martial law at suspindehin ang privilege of the writ of habeas corpus.
Nagbabala naman si Supreme Court Justice Marvic Leonen na posibleng nabitag ang pamahalaan sa propaganda campaign ng mga terorista, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “hardest, harshest solution” sa terorismo tulad ng martial law.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Solicitor General Jose Calida ang hakbang ng gobyerno, at iginiit na ang mga karahasang ginagawa ng Maute Group ay tutumbas na sa rebelyon.
Aniya, kinakalaban na ng mga rebeldeng grupo ang gobyerno sa paglalayong ihiwalay ang Mindanao, at para mawalan ang pangulo ng kapangyarihan dito.
Dagdag pa ni Calida, lahat na ng elemento ng rebelyon ay makikita sa sitwasyon sa Marawi.