Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, ang mga magulang ng mga sundalo ang maituturing na mga tunay na bayani.
Pawang katatagan ang ipinakita aniya ng mga pamilya, at may kasamang karangalan sa pagtanggap sa sinapit ng kanilang mga kaanak na sundalo.
Partikular aniya silang naantig sa panayam sa mga magulang ni Marine Lt. John Frederick Savellano.
Ani Padilla, sinabi kasi ng mga ito na hindi dapat makiramay ang mga tao sa kanila, bagkus ay dapat batiin sila ng “congratulations” dahil nakapagpalaki sila ng isang bayani para sa bansa.
Ayon naman kay Marine commandant Maj. Gen. Emmanuel Salamat, walang ni isa sa mga pamilya ang kumwestyon sa pagkasawi ng kanilang mga kaanak na sundalo sa Marawi.
Alam aniya naman ng mga ito ang tungkulin ng mga Marines, at na bahagi nito ang pagbubuwis ng kanilang buhay.
Ani pa Salamat, nagsisilbing inspirasyon sa mga sundalo ang mga nasawi nilang mga kasamahan dahil sa mga sakripisyo at katapangan na kanilang ipinakita sa kanilang trabaho.