Imbestigasyon sa Resorts World incident, ipagpapatuloy ngayon

 

Kuha ni Jay Dones

Ipagpapatuloy ng Kongreso ang imbestigasyon sa karumal dumal na pag-atake sa Resorts World Manila, na ikinasawi ng tatlumpu’t walo katao.

Inaasahang dadalo sa pagdinig ang mga security guard na mula sa NC Lanting Security Specialist Agency at CCTV monitoring room personnel na nakatalaga sa Resorts World.

Itinakda ang ikalawang pagdinig ngayong araw ng Miyerkules, sa ganap na alas-9:00 ng umaga, sa House of Representatives.

Inaasahan din na nakatuon pa rin ang naturang imbestigasyon sa security lapses, na naging daan para maisagawa ng lone gunman na si Jessie Carlos ang pagpapaputok ng baril sa loob ng hotel at pagsunog sa ilang casino gaming tables.

Ayon kay Paranaque Rep. Gus Tambunting, chairman ng House Games and Amusement committee, iimbitahan din nila ang lady guard na nagtangkang pumigil kay Carlos na pumasok sa hotel-casino.

Maging ang nakatutok sa dalawang libong CCTV cameras sa loob ng Resorts World ay imbitado din sa pagdinig.

Bukod dito, kasama pa rin sa listahan ng mga imbitado sa pagdinig ang mga executive officials ng Resorts World Manila, kabilang na sina President Kingson Sian, chief operating officer Stephen James Reilly, at security office chief Armeen Gomez na una nang ginisa ng mga mambabatas dahil sa kanyang academic credentials.

Pinadadalo rin ang ilang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at Pasay City local government.

Maging ang may-ari ng punerarya kung saan dinala ang labi ng mga biktima, ang gasoline boy na nagbenta ng tatlong litro ng gasolina kay Carlos, at ang taxi driver na nagdala sa suspek sa hotel ay inimbitahan din ng Kamara sa pagdinig.

Read more...