Hightech data archiving ipinamamadali ng DICT sa pangulo

Inquirer photo

Hinimok ni Department of Information and Communications Technology Secretary Rodolfo Salalima si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-isyu na ng executive order o EO upang mailipat ang lahat ng data bases ng mga ahensya ng pamahalaan tungo sa DICT portal.

Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Salalima na ito ay isang “one stop shop portal” na layong maging available ang online services ng gobyerno sa para sa lahat lalo na yung mga nasa malalayong lalawigan.

Partikular na aniya rito ang serbisyo ng National Bureau of Investigation at Philippine Statistics Authority.

Sa katunayan, ani Salalima ay nakahanda na ang kanilang portal.

Mayroon na rin aniyang government agencies na nagtransfer na ang mga data gaya ng Bureau of Internal Revenue o BIR at Department of Finance.

Sinabi ng opisyal na nasa Office of the President na ang kanilang request pero ang EO mula sa pangulo ay isang mabilis na paraan upang ma-execute sa lalong madaling panahon ang portal plan ng DICT.

Nilinaw naman ni Salalima na maaari pa ring magkaroon ng sariling websites ang mga tanggapan ng pamahalaan subalit sana raw ay mailipat na ang mga data sa DICT para mapakinabangan na ng mga mamamayan.

Tiniyak din ni Salalima na ligtas ang portal at aalagaan ng DICT ang mga data na maililipat sa kanila.

Read more...