“Excellent condition”.
Yan ang tiniyak ng Malakanyang sa kundisyon ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang hindi makadalo ang pangulo sa pagdiriwang ng 119th Independence Day sa Luneta Park kahapon at wala ring opisyal na schedule ang punong ehekutibo ngayong araw.
Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na walang mabigat na karamdaman ang pangulo.
Ayon kay Abella, marapat na unawain ang kalagayan ni Duterte lalo’t nakita naman ng lahat ang ginawa nitong pag-intindi sa mga sugatang sundalo at serye ng pagdalaw sa burol ng mga nasawing tropa ng gobyerno sa Marawi City crisis kaya napagod ito ng husto.
Dagdag pa ng opisyal, ang personal doctor na mismo ni Duterte ang nagsabi na walang sakit ang presidente at sa halip ay kailangan ng pahinga.
Garantiya naman ni Abella, kahit nagpapahinga ay “on top of the situation” si Duterte lalo’t nagpapatuloy ang mga operasyon laban sa Maute group sa Marawi City.
Samantala, nakahalf-mast na ang mga bandila sa mga tanggapan ng pamahalaan kabilang na ang nasa compound ng Malacañang.
Ito’y bilang pagbibigay-pugay at pagkilala sa kabayanihan ng mahigit limampung sundalo na nagbuwis ng buhay sa pakikipag-bakbakan laban sa mga miyembro ng Maute group.