Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na mayorya ng mga labi ng napatay na terorista ay na-recover ng mga otoridad.
Umabot naman na sa 26 ang civilian casualties at nananatiling 58 ang bilang ng mga pwersa ng gobyerno na nagbuwis ng buhay.
Nasa mahigit 1,600 naman na sibiliyan ang nailigtas.
“Patuloy ang ating offensive operation. Ang bilang ng civilian casualties ngayon ay nasa 26 na po, 1,618 naman po ang civilians na na-rescue. 58 po ang mga kasamahan nating nagbuwis ng buhay, a
ng bilang ng kalaban na napatay natin ay 202 na po,” ayon kay Padilla.
Kinumpirma rin ni Padilla na tumutulong ngayon ang Estados Unidos sa opensiba sa pamamagitan ng pagpo-provide ng mga kagamitan.
Ayon kay Padilla may mga gamit kasing hindi pa nabibili ang AFP na bahagi ng kanilang modernization program.
Dagdag pa ni Padila ang video na lumabas kamakailan na nagpapakita kung paanong pinlano ng mga terorista ang Marawi siege ay mula mismo sa mga nare-recover nila sa mga lugar na pinagkutaan ng Maute.
Inilalabas aniya ng AFP ang bahagi ng mga video na ito upang maimpormahan ang publiko sa mga kaganapan sa Marawi.
“Ang mga iyan (video) ay ni-release po natin intentionally para malaman ng publiko ang mga nangyayari diyan (sa Marawi). Ang pinuntirya talaga ay ang Marawi, ito talaga yung ginusto nilang sunugin at sirain, last requirement nila ‘yan na sinusubukang ma-fulfill para ganap na ma-recognize,” ayon pa kay Padilla.
Sa ngayon sinabi ni Padilla na siyam na miyembro ng Maute ang sumuko na sa kanila.