Hinikayat ng Malakanyang ang publiko na makiisa sa gagawing pagpupugay ng pamahalaan sa mga sundalo at sibilyan na nasawi sa kaguluhan sa Marawi City.
“Today as the nation observes Independence Day we will pay homage to the fallen soldiers of Marawi,” ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Panawagan ni Abella sa lahat ng mamamayan, makiisa sa gagawing pagpupugay at ipagdasal ang mga nasawi at iniwan nilang pamilya.
Ang pangalan ng mga sundalong nasawi sa bakbakan ay ipapakita mamayang alas 12:00 ng tanghali sa telebisyon at ipaparinig sa radyo kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan.
Ito ay pagkikilala sa kabayanihan at sakripisyo ng mga sundalo upang maipaglaban ang ating bansa mula sa teroristang grupong Maute na sumalakay at patuloy na naghahasik ng lagim sa Marawi City.
Batay sa pinakahuling datos, limampu’t walong sundalo na ang nalagas mula sa tropa ng gobyerno, mula nang magsimula ang bakbakan sa Marawi City.