Paliwanag niya sa mga Maranao at Moro sa Mindanao, hindi naman niya talaga gustong makipagdigmaan sa sarili niyang mga mamamayan.
Batid ng pangulo na nakakapagod na rin ang nangyayaring gulo sa Marawi City, kaya ipinangako niya na ginagawa na ng militar ang lahat ng kanilang makakaya para tapusin na ito sa lalong madaling panahon.
Ani pa Duterte, ipinagdarasal niyang huwag nang magtagal pa at matapos na agad ang bakbakan sa Marawi.
Tiniyak rin ng pangulo sa mga residente na nakahanda na ang pamahalaan na tulungan ang mga naapektuhan ng gulo, partikular na ang mga mahihirap.
Aniya, uunahin nilang tulungan ang mga mahihirap, at para sa mga may kaya o mayayaman na pamilya, kung ano man ang matira sa pondo mula sa pagtulong sa mahihirap ay iyon na lang ang mapupunta sa kanila.
Pangungunahan aniya ni Cabinet Sec. Leoncio Evasco Jr. ang rehabilitasyon kapag natapos na ang bakbakan.