Personal na dinalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 8 sa 13 nasawing sundalo sa nagpapatuloy kaguluhan sa Marawi City.
Napatay ang 13 sundalo habang sugatan naman ang 40 pang kasamahan nang pasukin ang Barangay Lilod Madaya na pinaniniwalaang kuta ng teroristang grupo kasama ang sinasabing emir ng ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon.
Sa isinagawang arrival honors, nagpaabot ng pakikiramay ang Punong Ehekutibo nang isa-isang nilapitan ang mga labi ng mga sundalo at kinausap ang ilang kaanak nito.
Maliban dito, binasbasan rin ng pari at nag-alay ng panalangin sa mga sundalo.
Samantala, bago ang arrival honors, nauna nang nakiramay si Philippine Marines Commandant Maj. Gen. Emmanuel Salamat sa mga pamilya.
Kabilang sa mga nauwing sundalo sila:
– 1st Lt. Raymond Abad
– 1st Lt. John Frederick Savellano
– SSgt. Joven Triston
– Sgt. Simeon Plares
– Pvt. Bernie Jhon Lunas
– Pfc. Gener Tinangag
– Cpl. Rolan Sumagpang
– Pfc. Marvin Russel Gomez
Dinala naman sa kani-kanilang probinsya sa Mindanao ang sundalong sina:
– Cpl. Jobert Cofino
– Sgt. Meynard Pegarido
– Sgt. Miguelito Abao
Matapos ang seremonya, deretsong dinalaw ng pangulo ang 2 naunang sundalong nadala na sina Pfc. Eddie Cardona Jr at Cpl. John Romulo Garcia sa Marines Barracks Rudiardo sa Fort Bonifacio, Taguig City.