Duterte: “Hindi ako humingi ng tulong sa Amerika”

Walang kaalam-alam si Pangulong Rodrigo Duterte na tumutulong na ang US sa tropa ng gobyerno sa pakikipagsagupaan sa Maute terror group sa Marawi City.

Sa isang panayam, sinabi ni Duterte na kailanman ay hindi siya lumapit sa Amerika para humingi ng tulong.

Nalaman nalang aniya nito ang sinasabing pagbibigay ng tulong ng US sa Pilipinas nang dumating na ang mga ito sa bansa.

Nauna nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na may mga tropa ng U.S ang tumutulong sa militar pero ito ay hanggang sa technical support lamang at hindi sila kasama sa actual combat operations partikular na sa Marawi City.

Tumugon naman si Presidential spokesperson Ernesto Abella at sinabing nakapaloob sa Mutual Defense Board-Security Engagement Board sa ilalim ng PH-US Mutual Defense Treaty of 1951 na hindi maaaring magkaroon ng partisipasyon ang US sa combat operations ng Pilipinas.

Pero sinabi ni Abella na hindi nalang concern ng Pilipinas o ng US ang paglaban sa terorismo, kundi ng buong mundo na.

Bukas aniya ang Pilipinas sa anumang tulong na iaalok ng iba pang bansa.

Read more...