Labi ng mga napatay na miyembro ng PH Marines sa Marawi, dadalhin sa Metro Manila at ilang lalawigan

INQUIRER FILE PHOTO

Nakatakdang ilipad patungong Metro Manila ang mga labi ng napatay na mga miyembro Philippine Marines sa Marawi City sa kasagsagan ng bakbakan sa Maute terror group.

Nabatid na dadalhin sa kani-kanilang mga probinsya ang mga nasawing sundalo.

Inihanda na para sa air transport na magmumula sa Iligan City ang mga labi ng mga sundalo na inilagay sa mga kabaong.

Ayon sa Philippine Marines, walo sa labintatlong sundalo na napatay, kabilang na si 2nd Lt. Frederick Savellano ang inaasahang dadating sa Villamor Airbase ngayong hapon.

Ang mga napatay na sundalo ay miyembro ng Marine Batallion Landing Teams 5 at 7.

Sa isang panayam, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na napasok ng mga Marines ang Barangay Lilod Madaya na pinaniniwalaang pinagpupugaran ng maraming miyembro ng Maute group.

Naniniwala din ang AFP na nagtatago sa naturang barangay si Isnilon Hapilon, na sinasabing emir ng ISIS sa Pilipinas.

Read more...