Charity event ng San Miguel Corp., dadaluhan ng Miss Universe 2016 candidates

INQUIRER PHOTO

Muling dadalhin ng San Miguel Corp. (SMC) ang mga kandidata ng Miss Universe 2016 na ginanap dito sa Pilipinas.

Sa pakikipagtulungan kasama ang San Miguel Foundation, isusulong ng mga kandidata ang edukasyon at mag-volunteer para sa charity na Hope for Change Philippines.

Ayon kay SMC president Ramon S. Ang, kilala ang Miss Universe Organization hindi lang sa kanilang taunang pageant, kundi pati na rin sa pagaabot ng kanilang tulong.

Dahil dito, nakabuo aniya ang naturang organisasyon ng isang platform kung saan mas napapalapit ang kanilang mga kandidata sa iba’t ibang organisasyon.

Sa pamamagitan kasi nito ay nakatutulong ang mga kandidata na harapin ang mga isyu hindi lang sa kanilang mga home countries kundi sa buong mundo.

Makakasama sa Miss Universe Charity event mamaya sa Binondo, Maynila sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Miss Philippines-Universe 2016 Maxine Medina.

Naroon din ang iba pang mga kandidata noong Miss Universe 2016 na sina Miss Spain Noelia Freire, MIss Britain Jamie Lee-Faulkner, Miss Indonesia Kezia Warouw, Miss Kosovo Camila Barraza, at Miss Vietnam Dang Le Hang.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-45 na anibersaryo ng San Miguel Foundation, magbibigay sila ng donasyon para sagutin ang pag-aaral ng mga bata mula sa Smoke Mountain.

Una nang nagbigay ng P200 milyong pondo ang San Miguel Foundation para sa mga proyektong may kinalaman sa edukasyon, tulad ng pagpapagawa ng classrooms at scholarships.

Read more...