Lalaki, patay sa saksak dahil sa hindi nabayarang bill sa internet

Patay ang isang lalaki matapos siyang undayan ng saksak ng kaniyang nakababatang kapatid sa Tagbilaran City, Bohol.

Nadakip ng mga pulis ang suspek na si Allan Saldia Jr., na pinatay ang kaniyang kuya sa saksak dahil sa hindi nabayarang bill ng internet.

Sa ngayon ay naka-ditine si Saldia sa police station sa Tagbilaran habang hinihintay pa ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.

Ayon sa pulisya, pinuntahan ng biktimang si Aldwin na mula sa bayan ng Daius si Allan para hingin ang resibo ng bayad sa kanilang internet bill.

Hinala kasi ni Aldwin, hindi binayaran ni Allan ang bill dahil naputulan na sila ng internet connection.

Nauwi sa diskusyon ang pag-uusap ng magkapatid, at dito na tumungo si Allan sa kusina para kumuha ng kutsilyo.

Pinagsasaksak ni Allan ang kaniyang kuya sa kaliwang dibdib at tumakas, ngunit kalaunan ay nahuli rin ng mga pulis.

Dinala pa sa Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital si Aldwin ngunit idineklara rin itong dead on arrival.

Read more...