Pork Barrel ni Congresswoman Abigail Binay, napunta sa isang dating opisyal ng Makati

 

Mula sa inquirer.net

Ibinunyag ni Senador Antonio Trillanes IV na tumanggap ng labinlimang tseke o ‘bank check’ si Ryan Barcelo na dating officer-in-charge ng Makati Social Welfare and Development mula sa pork barrel funds ni Makati Congresswoman Abigail Binay.

Sa hearing ng Senate Blue Ribbon sub-committee, sinubukan ni Trillanes na suriin ang kredibilidad ni Barcelo.

Sa unang pagtatanong ni Trillanes kung tumanggap ito ng tseke mula sa PDAF ni Binay, sinabi ni Barcelo na wala. Pero nang ipilit ni Trillanes, biglang kumambyo si Barcelo at sinabing hindi niya matandaan.

Katwiran ni Barcelo, naging Special Disbursing Officer siya ng Makati kung kaya’t may mga pagkakataon na nakapangalan sa kanya ang cheke at siya na ang nagpapa encash ng mga ito.

Iginiit pa ni Barcelo na wala siyang natatandaan na galing sa Department of Budget and Management o sa National Government na tseke.

Ginagamit aniya ang pondo para sa medical o financial assistance sa mga nangangailangang residente ng Makati.

Una rito, iginiit ni Barcelo na walang katotohanan ang mga naging pahayag ni Arthur Cruto, officer in charge ng Makati Action Center na kalahati sa mga senior citizen ng Makati ay peke o patay na.

Ayon kay Barcelo, mahigpit ang ginagawa anilang screening sa mga senior citizen na mag eenrol para makakuha ng tinatawag na ‘blu card’./Chona Yu

 

 

Read more...