Sec. Aguirre, hindi “misquoted” sa pahayag niya tungkol sa Marawi siege ayon sa DOJ reporters

Naglabas ng pahayag ang Justice and Court Reporters Association (JUCRA) hinggil sa naging kontrobersyal na pahayag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na nadadawit sa dalawang senador at isang kongresista sa Marawi siege.

Matapos kasi lumabas ang balita na idinawit ni Aguirre sina Senators Bam Aquino at Antonio Trillanes IV at si Magdalo party-list Representative Gary Alejano sa kaguluhan sa Marawi ay sinabi nitong na-misquote lamang siya ng media.

Ayon sa JUCRA, malinaw sa kanilang recorded videos, voice recorders at Facebook Live na ginamit lamang nila ang eksaktong quote mula kay Aguirre.

Maging ang pagpapakita ni Aguirre ng larawan mula sa kaniyang cellphone kung saan makikita ang pakikipagpulong umano ng mga mambabatas sa Muslim clans noong May 2.

Sinabi ng JUCRA na katunayan, bilang mga responsableng mamamahayag, ginawa nila ang kanilang tungkulin at agad silang nagsagawa ng counterchecking sa impormasyon at sa larawang ipinakita ng kalihim sa press briefing.

At doon umano nila napatunayan na ilan sa mga detalye at impormasyon ni Aguirre ay mali.

“As responsible journalists, we also took the opportunity to perform our duty of verifying and counterchecking the information and photo that the Secretary has presented during the briefing, and found that several details and information were wrong,” ayon sa JUCRA.

Iginiit ng grupo na ngayong napapadalas ang paglaganap ng “fake news” ay ginagawa nila ang kaniyang trabaho para maibigay sa publiko ang tamang mga impormasyon.

 

 

Read more...