Ex-FBI director Comey humarap na sa US Senate kaugnay ng imbestigasyon sa ‘Trump-Russia collusion’

 

Inakusahan ni dating Federal bureau of Investigation Director James Comey si US President Donald Trump na siyang nagpasibak sa kanya sa puwesto upang makontrol ang imbestigasyon ng ahensya sa umano’y pakikipagsabwatan ng campaign team nito sa Russia upang impluwensyahan ang resulta ng 2016 presidential elections.

Sa pagharap ni Comey sa US congressional hearing , sinabi ni Comey na ito ang kanyang nakikitang dahilan kaya’t pinaalis siya sa puwesto ni Trump.

Bagama’t sinabi ni Comey na hindi siya ganap na sigurado sa naturang dahilan ng kanyang pagkakasibak.

Gayunman, binanggit ng dating FBI director na naniniwala siya na ang matinding pressure ng ahensya sa paraan ng imbestigasyon sa Russia probe ang nagtulak kay Trump na siya’ay alisin sa puwesto.

Idinagdag pa ni Comey na nagsinungaling ng makailang ulit ang Trump administration at siniraan siya at maging ang FBI matapos siyang maalis sa puwesto.

Partikular na tinutukoy ni Comey ang mga paninira umano ng kampo ng administrasyon na nagsasabing naging mahina ang FBI sa ilalim ng kanyang pamumuno .

Si Comey ay sinibak sa puwesto ni Trump noong May 9.

Noong una ay itinatanggi ng kampo ni Trump na may kaugnayan ang pag-alis sa puwesto kay Comey sa isinasagawang imbestigayon ng FBI sa posibleng sabwatan sa Trump campaign team at Russia noong panahon ng eleksyon.

Gayunman, kalaunan ay nabanggit rin ni Trump sa isang panayam na naging naging dahilan ng kanyang pagsibak kay Comey ay ang imbestigasyon ng FBI sa Russia at kanyang campaign team.

Una nang naglabas ng written testimony si Comey bago ang Congressional inquiry na nagsasabing hiningi ni Trump ang kanyang ‘loyalty’ noon at pinipilit siya umano ni Trump na sabihin sa publiko na na hindi siya kasama sa iniimbestigahan ukol sa umano’y Russia collusion.

Read more...