Engineer na recruiter umano ng mga terorista, arestado

 

Arestado ang isang engineer na nagtatrabaho sa Cotabato City engineering’s office dahil sa umano’y pagiging recruiter ng mga terorista para sa mga Islamic State-inspired na mga grupong Ansar Al-Khilafa Philippines (AKP), Maute Group at Abu Sayyaf Group.

Nasukol ng mga otoridad si Nasser Dilangalen kahapon, matapos masagip ng mga pulis ang limang recruits ng Maute Group habang gumagayak na bago tumungo sa Marawi City.

Ayon sa isang pulis na nakiusap na huwag nang magpakilala, kabilang ang suspek sa isang malaking pamilya ng Moro sa Maguindanao, at isa sa mga pangunahing recruiter ng Maute, Abu Sayyaf Group at AKP.

Noong Miyerkules, naaresto sa Parang, Maguindanao ang limang menor de edad na umaming na-recruit ng Maute Group sa Marawi City.

Ayon kay Chief Insp. Erwin Tabora na hepe ng Parang Municipal Police Station, tinimbrehan sila ng mga kaanak ng mga teenagers na balak ng mga itong tumungo sa Marawi City, kaya’t agad silang rumesponde.

Ayon pa kay Tabora, nirecruit umano sila ng isang dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) pero ngayon ay konektado na sa Maute.

Pinangakuan umano sila ng malaking pera basta’t tutungo sila sa Marawi pagdating ng June 15.

Isa sa mga kabataan ang nagsabing bibigyan daw sila ng P100,000 na iiwan nila sa kanilang mga magulang, at buwanang allowance na P25,000 bilang jihadist.

Read more...