Sa isang pahayag, sinabi ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process Asec. Dickson Hermoso, layunin ng tigil putukan na mailigtas ang hindi bababa sa dalawang libong sibilyan na hanggang ngayon ay naiipit pa rin sa kaguluhan sa Marawi.
Prayoridad aniya sa paglilikas ay ang mga may sakit, sugatan, mga bata, kababaihan at mga matatanda.
Noong isang linggo, nagbigay ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng peace corridor kasunod ng naging pulong nito kay MILF chair Murad Ibarim sa Malacañang.
Binuksan ang unang peace corridor sa Banggulo Bridge patungong Quezon Avenue sa loob ng conflict zone.
Kahapon, binuksan naman ang ikalawang peace corridor mula sa bayan ng Malabang patungong Marawi bilang alternatibong ruta sa pagdedeliver ng relief assistance.
Una nang ipinatupad noong nakaraang linggo ang apat na oras na humanitarian ceasefire sa Marawi City, kung saan aabot sa 134 na sibilyan ang nailigtas sa gulo.