Isang araw matapos na suspindihin ang deployment ng mga Overseas Filipino Worker sa Qatar, nagpasya ang Department of Labor and Employment (DOLE) na alisin na muna itong muli.
Pero paglilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ‘partial’ lamang ang lifting ng ban dahil ang papayagan lamang na magpunta sa Qatar ay ang mga OFW na babalik lamang doon at yung mga ‘newly hired’ na may hawak nang Overseas Employment Certificate (OEC) galing sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Nananatili aniya ang pagbabawal sa pagpunta sa Qatar ng mga OFW na pino-proseso pa lamang ang mga dokumento.
Binawi ni Bello ang una nitong deployment ban sa Qatar matapos itong umani ng batikos dahil sa ‘premature’ nitong anunsyo.
Una nang sinabi ni Bello na nagpatupad siya ng deployment ban sa Qatar para pangalagaan ang mga OFW sa posibleng epekto ng kaganapan sa gitnang silangan tulad ng food shortage.