Batay sa kanilang anunsyo, sinabi ng BPI na nakumpuni na ang problema dakong alas 10:00 kagabi.
Online na rin anila ang lahat ng kanilang Automated Teller Machines o ATM bagama’t ang web-based transactions ay hindi pa rin magagamit ng kanilang mga kliyente hanggang ngayon.
Niliwanag rin ng BPI at BPI Family Bank na maliit na porsiyento lamang ng kanilang mga kliyente ang naapektuhan ng problema.
Itinanggi ng pamunuan ng bangko na ‘hacking’ ang naging puno’t-dulo ng mis-postings sa mga bank account ng ilan nilang kliyente at isinisi ito sa ‘internal systems problem.’
Humingi rin ng paumanhin ang pamunuan ng BPI sa mga kliyenteng naapektuhan ng ‘technical glitch’.
Simula Miyerkules ng umaga, nagulat ang ilang mga kliyente ng BPI nang madiskubreng biglang nabawasan ang laman ng kanilang mga ATM account.
Ang ilan naman ay nabigla nang malaman na nadagdagan ang pera sa kanilang mga ipon.