Pamunuan ng Resorts World Manila, aminadong may pagkukulang sa security

 

Aminado ang pamunuan ng Resorts World Manila na mayroong pagkukulang sa kanilang security nang atakihin ng lone gunman ang hotel.

Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Resorts World Chief Operating Officer Stephen Reilly na matapos nilang pag-aralan ng CCTV footages, nakita nila na mayroong mga lugar sa hotel na kinailangan ng security nang umatake ang suspek na si Jessie Carlos.

Mayroong lugar aniya sa hotel na dapat ay may nakatalagang security pero nang maganap ang pag-atake ay walang nagbabantay.

Pero sa kabila nito, ipinunto ni Resorts World Manila President Kingson Sian na maayos naipatupad ng hotel ang emergency protocols, na nagresulta sa pagkakaligtas ng libu-libong guests sa kasagsagan ng pag-atake.

Batay sa ipinakitang presentasyon ni Sian sa mga mambabatas, labing tatlo ang fire exits sa 2nd floor ng Resorts World; siyam dito ay nasa gaming area.

Nakita din sa CCTV footage na gumana ang sprinkler system nang sunugin ng gunman ang ilang casino gaming tables.

Sinabi din ni Sian na takot ang naging dahilan kung bakit umabot sa tatlumpu’t walo ang nasawi sa insidente na karamihan ay dahil sa suffocation.

Sa labas aniya ng kwarto kung saan na-trap at natagpuan ang mga nasawi at nag-iwan ang gunman ng isang bag na puno ng mga bala ng baril.

Nakadagdag din aniya sa takot ng mga guests at empleyado sa hotel ay ang pagsabog ng isang BMW na sasakyan na nakadisplay sa 2nd floor ng Resorts World.

Read more...