Ayon kay Aguirre, wala siyang intensyon na idawit ang mga pamilya Alonto at Lucman sa nangyayaring krisis ngayon sa Marawi City.
Kailanman aniya ay hindi naging bahagi ang dalawang pamilya sa anumang plano na hamakin ang sinuman o anuman.
Giit pa ni Aguirre, hindi niya sinabing nagkaroon ng pagpupulong sa pagitan ng dalawang pamilya at ilang mga mambabatas bago sumiklab ang gulo sa Marawi.
Wala aniyang ganoong pagpupulong at walang sinuman mula sa mga naturang pamilya ang nakipagkita kina Sen. Antonio Trillanes IV, Cong. Gary Alejano at Ronald Llamas.
Aniya pa, kaugnay naman kay Sen. Bam Aquino na may akda ng GoNegosyo Law, imbitado ang mambabatas sa Lanao del Sur dahil sa pagbubukas ng isang Negosyo Center sa Marawi noong May 19.
Sa kasamaang palad aniya ay na-“misquote” siya ng mga reporters na para bang iyon ang kaniyang ipinupunto.
Paliwanag ni Aguirre, ang sinabi lang niya ay may mga nakarating sa kaniyang ulat na may mga mambabatas ng oposisyon ang tumungo sa Marawi para manghikayat ng mga lokal na pulitiko at warlords para ugain ang administrasyong Duterte.
Wala aniya siyang sinabi na naging matagumpay ang mga ito sa panghihikayat.
Humingi na rin si Aguirre ng paumanhin sa mga pamilya Alonto at Lucman dahil sa isyung ito.