Sa joint investigation ng House Committees on Public Order and Safety, Games and Amusement at Tourism, tinanong ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Armeen Gomez, pinuno ng Safety, Security and Surveillance Unit ng Resorts World Manila (RWM) hinggil sa emergency reaction team ng casino.
Sinabi nito na mayroon silang tatlong layer ng security protocol bago makapasok sa mall pero hindi rito kumbinsido ang mga kongresista.
Ayon naman kay RWM COO Stephen James Reilly, kumpleto sila sa emergency response team mula fire, medical at security units.
Pero napuna ng mga mambabatas na inabot ng ilang oras bago napasok ang Room 510 kung saan nagsunog sa sarili si Jessie Carlos na siyang gunman.
Sinita naman ni Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas kung bakit inabot ng anim na oras bago nakapasok ang mga otoridad at nailabas ang mga biktima sa loob ng casino area.
Nakita din anya sa video na sa halip na harapin ang gunman ay nagsitakbuhan ang mga security at police sa pag-aakala noong una na ito ay terorista.
Iginiit naman ni NCRPO Dir. Oscar Albayalde na walang planong pumatay ang nasawing gunman na dahil lumalabas na isa lamang itong addict sa casino na wala sa katinuan ang pagiisip.
Inihayag naman ng Bureau of Fire Protection na sa kabila ng lockdown sa Resorts World Manila ay pinapasok ang kanilang mga tauhan upang puksain ang apoy.