Duterte sa kaguluhan sa Marawi: ‘Tapusin na natin ito’

Inquirer file photo

“Tapusin na natin ang giyerang ito. Marami na akong patay na mga sundalo at pulis.”

Yan ang parte ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng kanyang dinalaw na mga sundalo ng 602nd Infantry Brigade sa North Cotabato.

Ayon kay Duterte, tuldukan na ang krisis sa Marawi City at wala nang peace talks.

Aniya, nangyayari ang rebelyon dahil may ilang grupo ang gusto lamang na mapabagsak ang pamahalaan.

Pero giit ni Duterte, hindi siya papayag na magtagumpay ito dahil ayaw niyang mawala ang Mindanao.

Inungkat ding muli ng presidente na konektado aniya ang droga sa rebelyon.

Ang illegal drug trade ay siya umanong nagpopondo para makapaghasik ang mga terorista.

Nagpahayag din ng galit ang pangulo dahil dinala pa sa Lanao ang foreign ideology.

Aniya, bakit pinabayaan ng mga Moro ang mga dayuhang terorista.

Nagpasalamat naman si Duterte sa serbisyo ng mga sundalo at pulis, lalo na ang mga nakikipagbakbakan sa Marawi City.

Samantala, nabanggit din ni Duterte ang pakikipag-usap niya sa Moro National Liberation Front o MNLF na bukas na sumama sa militar.

Biro umano niya kay Nur Misuari, bigyan siya ng mga batang sundalo at hindi yung may mga rayuma.

Pero paglilinaw ni Duterte, may protocol pa ring iiral sa pagsama ng mga miyembro ng MNLF.

Read more...