Isang ekslusibong video ang inilabas ng Associated Press o AP kung saan mapapanood kung paano pinlano ang pagsalakay ng teroristang Maute group sa Marawi City.
Sa video, makikita ang pulong ng mga pinaniniwalaang militante ukol sa nilulutong pag-atake sa Marawi, kung saan nabanggit ang mga planong hakbang tulad ng pangingidnap sa paaralan, pagharang sa mga kalsada at pananakot sa mga sibilyan.
Makikita din sa video ang leader ng Abu Sayyaf Group at sinasabing “Emir” ng ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon na pinangungunahan ang pag-atake sa Marawi.
Sa naturang video na tumagal ng isang minuto at tatlumpu’t anim na segundo, nakasuot si Hapilon ng dilaw at itim na scarf sa ulo at nasa kanyang tabi ang isang baril.
Kaugnay nito, mayroon nang kopya ang Armed Forces of the Philippines ng naturang video.
Mismong si AFP chief of staff Eduardo Año ang nagkumpirma na si Hapilon nga ang nasa video.
Nadiskubre aniya ang video sa mobile phone na nakumpiska sa isang raid na isinagawa sa pinaniniwalaang isa sa mga safehouse ng Maute group sa Marawi.