Ipina-utos na ng pamahalaan ang temporary ban sa pagpapadala ng mga Pinoy workers sa bansang Qatar.
Kasunod ito ng krisis na nararamdaman sa nasabing bansa bunsod ng pagputol ng diplomatic ties sa Qatar ng ilang bansa sa Middle East.
Sinabi ni Labor Sec. Sylvestre Bello III na epektibo ngayong araw, June 6 ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nasabing bansa.
Ang kautusan ay inilabas ng kagawaran makaraang putulin ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Egypt, Yemen, Maldives at Kingdom of Bahrain ang kanilang diplomatic ties sa Qatar.
May kaugnayan ito sa umano’y pagsuporta ng Qatari government sa mga teroristang grupo kabilang na ang ISIS.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Bello na tigil rin pansamantala ang lahat ng mga pag-proseso sa mga dokumento ng mga manggagawang Pinoy na gustong pumunta sa Qatar.
Nilinaw rin ni Bello na walang ipinatutupad na repatriations para sa mga Pinoy sa nasabing bansa pero patuloy umano nilang minomonitor ang sitwasyon doon sa tulong ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs.
Umapela rin siya sa mga Filipino sa Qatar na manatiling kalmado at patuloy na makipag-ugnayan sa mga labor offices doon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naglabas ng travel advisory ang Pilipinas para sa isang bansa na wala namang nakataas na alert level ayon pa kay Bello.