Sinermonan na ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Danny Lim ang dalawang traffic enforcers na naging laman ng viral post sa social media.
Kumalat kasi ang larawan ng dalawang traffic enforcers na nakasakay sa motorsiklo ngunit mga hindi nakasuot ng helmet, na ipinagbabawal sa batas.
Ayon pa sa motoristang kumuha ng litrato, nang tanungin nila ang dalawang enforcers kung bakit hindi sila naka-helmet, sinagot siya nito ng “sa operations kami, wala ka na dun.”
Sa inilabas na pahayag ni Lim, tinukoy niya ang dalawang pasaway na enforcers na sina Armando Lopez at Rodrigo Dayota.
Bukod sa panenermon tungko sa paglabag sa batas na dapat nilang ipinatutupad, pinagsabihan rin ni Lim ang dalawa na maging magalang sa pagsagot sa mga motorista dahil hindi nakaktulong sa kanilang imahe ang ganoong klase ng pagsagot.
Tiniyak ni Lim na hindi niya kukunsintehin ang ganitong gawain ng kaniyang mga tauhan.
Dahil dito, inatasan na niya ang kanilang administrative staff na patawan ng karampatang parusa sina Lopez at Dayota.