14-anyos, nang-hostage ng mga kaklase at guro sa West Virginia

Map Philippi WVIsang katorse anyos na lalaki ang nang-hostage ng mga kapwa niya estudyante sa isang eskwelahan sa West Virginia sa Estados Unidos.

Ala 1:30 ng hapon oras doon, nang makatanggap ng tawag ang 911 na nagsabing isang lalaking armado ng baril ang nangho-hostage sa loob ng classroom sa Philipp Barbour High School sa Philippi City.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng West Virginia Police at pagdating sa lugar, isang 14-anyos na estudyante ang nakita nilang armado at hino-hostage ang mga kapwa niya estudyante at isang guro.

Ang ibang estudyante at staff ng paaralan ay agad dinala sa football field habang ang iba ay inihatid sa kani-kanilang mga bahay habang isinasagawa ang negosasyon.

Napapayag naman ang suspek na bitiwan ang baril at palayain ang kaniyang mga hostage.

Inaalam pa ng mga pulis kung ano ang nagtulak sa katorse anyos na estudyante para isagawa ang pangho-hostage. Agad din itong dinala sa ospital para masuri./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...