Bilang ng mga patay sa panibagong bakbakan sa Syria umabot na sa 265

GhoutaUmakyat na sa 265 ang death toll sa pinakabagong serye ng mga air strikes sa Eastern Ghouta Region ng bansang Syria.

Sa kanilang report na ipinarating sa United Nations (U.N), sinabi ng Syrian Observatory for Human Rights na kabilang sa mga pinakahuling biktima ng government air strikes ay apatnapu’t apat na mga paslit at tatlumpung mga kababaihan.

Ipinaliwanag rin ng naturang Human Rights group na pawang mga sibilyan at hindi kabilang sa mga rebel forces ang mga biktima na karamihan ay galing sa lungsod ng Douma.

Kamakailan ay dinurog din ng sunud-sunod na mga air strike ang Douma kaya idineklara na ito bilang isang disaster zone.

Yun ang dahilan kaya umalis ang mga residente sa naturang lugar at nagpunta sa Eastern Ghouta kung saan naman sila naipit ng panibagong bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at government forces.

Kaugnay nito ay binatikos ng U.S si Syrian President Bashar al-Assad dahil sa kanyang kautusan na pulbusin ang mga rebelde kahit na magtago pa ang mga ito sa lugar ng mga sibilyan. Bukod sa 265 katao na patay sa nakalipas na sampung araw, iniulat rin ng Syrian Observatory for Human Rights Group na mahigit sa isang-libong mga sugatan din ang nangangailangan ng atensyong medical sa kasalukuyan.

Ang Syrian conflict ay nagsimula pa noong 2011 makaraang magkudeta ang ilang mga military officials doon dahil sa labis na katiwalian at maraming kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ni President as-Assad.

Mula nang magsimula ang kaguluhan sa Syria, iniulat ng U.N na umabot na sa mahigit sa 200,000 ang bilang ng mga napatay kabilang na dito ang mga ginamitan ng Chemical weapons base na rin sa kautusan ni Syrian President al-Assad. / Den Macaranas

Read more...