Paliwanang ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla, sadyang nagmamatigas ang mga terorista na wakasan ang kaguluhan sa lungsod.
Bukod dito, binigyang-diin ni Padilla na nasa pagpapasya ng ground commander ang mga galaw ng operating troops sa siyudad.
Ang mga commander din aniya ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa Marawi City maging ang mga maaaring solusyon doon.
Pero ginagawa naman daw ng ground commanders ang lahat ng makakaya nila upang makasunod sa deadline at matapos na ang Marawi City crisis.
Muli namang iginiit ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang pangako ng pangulo na matuldukan na sa pinaka-maikling panahon ang kaguluhan sa Marawi City. Aniya, ang mga drug lord na nagpopondo sa pag-atake ay papapanagutin sa batas sabay pagsugpo sa networks nito sa Lanao, iba pang lugar sa Mindanao o sa buong bansa.
Kaugnay nito, inamin ni Padilla na hindi nila batid ang eksaktong bilang ng mga natitira pang sibilyan sa pusod ng bakbakan.
Ito aniya ang isa sa mga rason kung bakit nag-aalinlangan ang tropa ng gobyerno na magpatupad ng full military operations.
Sa katunayan, may mga bahay sa Marawi city na hindi akalain ng mga sundalo na mayroong nananatili pang mga sibilyan.