Malacañang hindi natinag sa petisyon ng oposisyon sa martial law sa SC

Inquirer file photo

Iginagalang ng Malacañang ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ng mga opposition congressmen na kumukwestyon sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa Mindanao bunsod ng nagpapatuloy na paghahasik ng Maute group sa Marawi City.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na prerogative ng mga miyembro ng House Independent Minority na i-akyat ang usapin sa Mataas na Hukuman.

Gayunman, ginawa na rin umano ng Palasyo ang nararapat na aksyon gaya ng pagsusumite ng report sa Kongreso kaugnay sa implementasyon ng martial law sa Mindanao.

Dagdag nito, mayroon aniyang “Mindanao Hour” na pulong balitaan ang Palasyo upang makapagbigay ng update hinggil sa pagpapatupad ng Batas Militar.

Sa ngayon, sinabi ni Abella na mainam na hintayin na lamang muna kung ano ang kahihinatnan sa Korte Suprema ng petisyon ng mga kongresistang taga-oposisyon.

Sa panig naman ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, tiwala umano ang Palasyo na naaayon sa Konstitusyon ang deklarasyon ng Martial Law.

Mayroon din aniyang sapat na basehan para sa Batas Militar sa Mindanao.

Kaninang umaga, pormal nang hiniling ng minorya sa Kamara sa Supreme Court na ideklarang ilegal ang Martial Law sa Mindanao.

Base sa petisyong inihain nina Albay Rep. Edcel Lagman at anim na iba pang kongresista ay kanilang sinabi na walang bisa ang proclamation number 216 ng pangulo dahil sa wala anila itong factual basis.

Wala rin umanong rebelyon o invasion sa Marawi City o sa buong Mindanao para magdeklara ng Batas Militar at suspendihin ang privilege of the writ of habeas corpus.

Read more...