Martial law sa Mindanao, ipinadedeklarang ilegal sa Korte Suprema

Hiniling sa Korte Supreme ng minorya sa Kamara na ideklarang iligal ang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Base sa petisyong inihain nina Albay Rep. Edcel Lagman at anim na iba pang kongresista, nais ng mga ito na baligtarin ng korte ang Proclamation 216 ng pangulo dahil sa wala anila itong factual basis.

Wala anilang rebelyon o invasion sa Marawi o sa buong Mindanao para magdeklara ng batas militar at suspendihin ang privilege of the writ of habeas corpus.

Nakasaad sa petisyon na inamin ng militar na ang giyera sa Marawi ngayon ay dahil sa military operation upang hulihin si ASG leader Isnilon Hapilon na nauwi sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group.

Sinabi ng mga petitioner na ang deklarasyon ng batas militar at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus ay kagustuhan lamang ni Pangulong Duterte at hindi inirekomenda ng mga military at security officials na inamin anila sa Kamara ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Kabilang din sa mga petitionera sina Representatives Tomasito Villarin, Gary Alejano, Emmanuel Billones, Teddy Brawner Baguilat, Jr. at Edgar Erice.

 

Read more...