Problema sa pagbubukas ng klase, pinalala ng banta sa national security

Kamuning Elementary School | Kuha ni Jan Escosio

Ang taunang problema na kinakaharap tuwing magbubukas ang klase ay pinalala pa ng banta sa national security ngayong taon.

Ayon sa Department of Education (DepEd), taun-taon, karaniwan na ang mga problema sa kakulangan sa silid-aralan, libro, silya, mga guro at iba pa.

Ang mga ito ay sisikapin umanong tugunan ng DepEd sa pagbabalik-eskwela ng nasa 27.7 milyong mga estudyante.

Kabilang sa mga isinagawang paghahanda ng DepEd ay ang pagdaraos ng “Brigada Eskwela” at “Oplan Balik Eskwela”.

Gayunman, ngayong taon, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang taunang mga problema ay pinalala pa ng banta sa seguridad.

“We know, however, that we live in challenging times. School openings have always been beset by problems. These usual difficulties are now exacerbated by political challenges and threats to national security,” ani Briones.

Tinukoy ni Briones ang problema sa Marawi City, dahilan para ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa lungsod gayundin sa walong distrito sa Lanao Del Sur.

Sa halip na ngayong araw, sinabi ni Briones na sa June 19 na ang simula ng klase sa nabanggit na mga lugar at magpapatupad din sila ng adjustment sa schedule ng mga mag-aaral.

 

 

 

Read more...