Ex-SPO3 Lascañas nahaharap na sa mga kasong frustrated murder at murder

 

Sinampahan ng mga kasong murder at frustrated murder ang retiradong pulis at self-confessed assassin na si Arturo Lascañas, dahil sa mga pananambang at pagpatay sa broadcaster na si Jun Pala.

Si Pala ay tatlong beses na tinambangan mula 2002 hanggang 2003, at ang ikatlong pagkakataon ay tuluyang nagtagumpay ang mga nasa likod nito dahil doon na nasawi ang broadcaster.

Matatandaang sa kaniyang pagharap sa Senado, sinabi ni Lascañas na isa siya sa nga sangkot sa pagpatay kay Pala na ang mastermind ay si Pangulong Rodrigo Duterte noong siya ay alkalde pa ng Davao City.

Dahil dito, tatlong magkakahiwalay na kaso ang isinampa laban kay Lascañas sa korte base sa reklamo ng misis ni Pala na si Louise Aguirre Pala.

Ang unang kaso ng frustrated murder ay dahil sa pananambang kay Pala noong June 2002 kung saan pinagbabaril siya ng mga armadong lalaking nakasakay sa pickup truck.

Isa pang kaso ng frustrated murder ang isinampa laban kay Lascañas dahil naman sa April 2003 ambush kay Pala kung saan pinagbabaril sila ng kaniyang kasama habang nakasakay sa taxi, dahilan para magtamo sila ng sugat sa katawan.

Murder naman na ang isinampa laban sa kaniya dahil sa tuluyang pagkakapatay kay Pala noong September 6, 2003 habang siya ay naglalakad pauwi.

Nakakita ng Davao City prosecutor’s office ng probable cause para kasuhan si Lascañas kaugnay ng mga serye ng pag-atake.

Sa kaniyang testimonya, idinawit niya rin ang iba pang tao tulada ang dati niyang kasamang pulis na si Sonny Buenaventura at Jim Tn na dating driver-bodyguard ni Duterte noong siya ay mayor pa.

Read more...