Binalaan ni Zamboanga City Mayor Ma. Isabelle Climaco-Salazar ang mga kapwa pulitiko na huwag gamitin ang mga pamilyang inilikas sa kanilang lungsod dahil sa gulong idinulot ng mga tagasunod ng Moro National Liberation Front founder Nur Misuari.
Ito ay kaugnay sa pagbisita ng isang pulitiko na nagmula pa sa Luzon sa mga “internally displaced persons” (IDPs) na matapos makipag-selfie at makipagkamay, ay gumamit ng disinfectant bago umalis nang wala man lamang inalok na tulong sa mga pamilya doon.
Hindi na niya kinilala ang nasabing pulitiko, pero ang bumisita kamakailan lamang sa Zamboanga at dumiretso sa mga ‘internally displaced persons’ ay si Senador Grace Poe.
Ipinagbabawal na Salazar sa Zamboanga City ang mga pulitikong imbis na tumulong, ay gagamitin lamang ang mga IDPs para magpabango ng kanilang imahe.
Bukod sa mga tinawag niyang mapagsamantalang pulitiko, kasama rin niyang ipagbabawal ang mga non-government organizations na maaaring gamitin naman ang sitwasyon ng mga IDPs para makakuha ng pera.
Ani Salazar, hindi tama na pagkakitaan at samantalahin ang kalagayan ng mga kababaihan at mga kabataan para sa kanilang pansariling kapakanan.
Para masiguro ang maayos na kapakanan ng mga IDPs at hindi sila magamit sa mga interes na may bahid ng pulitika, lahat ng mga pupunta roon ay kailangang makipag-usap muna sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa niya, bibigyan ng escort ang sinumang may “valid purpose” sa pagpunta roon, at dapat aniya may maitulong sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon, tulong pinansyal o ng kung ano mang makakatulong sa transitory sites.
Nais lamang niyang protektahan ang kapakanan ng mga IDPs, at hindi samantalahin ang pagkuha ng larawan ng mga bata dahil maaari itong magbigay ng maling mensahe, gayunpaman, papayagan pa rin ang pagkuha ng litrato kung ito ay may “legitimate” na dahilan tulad na lamang ng pag-suporta sa child protection advocacy.
Ayon sa tala ng lungsod, may kabuuang 3,044 pamilya, o 17,140 katao ang naninirahan sa mga transitory housing areas./Kathleen Betina Aenlle