Sa press briefing sa Malakanyang ay sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restitulo Padilla na umakyat sa tatlumput-anim ang namatay sa tropa ng gobyerno kasunod ng sablay na airstrike ng militar na pumatay sa sampung sundalo.
Wala naman anyang ulat sa bilang ng mga nasugatang sundalo sa sablay na airstrike.
Dagdag ni Padilla, sa tala hanggang alas sais Huwebes ng gabi ay nananatili pa rin sa labing-siyam ang bilang ng mga sibilyang nasawi sa bakbakan ng militar at teroristang Maute group.
Habang nasa siyamnapu anya ang napatay na mga terorista.
Nailigtas anya ang 1,024 na mga sibilyan, mahigit pitumpung libong residente ang inilikas o displaced habang siyamnaput-walong armas ang narekober mula sa mga kalaban ng militar.
Ayon pa kay Padilla, patuloy ang clearing operation ng AFP sa mga kuta ng Maute group.
Patuloy din anya ang pagligtas sa mga naiwan pang residente at ang tulong sa lokal na pamahalaan para sa relief operation.
Iginiit ni Padilla ang panawagan sa Maute members na sumuko na o mamatay bilang consequence ng kanilang pag-atake sa Marawi City.