Oxalic acid, dahilan ng kamatayan ng mag-asawa sa Las Piñas City

Untitled
Inquirer file photo

Kapwa nalason sa ‘oxalic acid’ ang mag-asawang natagpuan sa parking lot ng isang mall sa Lungsod ng Las Piñas noong nakaraang buwan.

Ito ang lumitaw sa ginawang pagsusuri sa labi ng mga biktimang sina Jose Maria C. Escano, 51 at Juliet Y. Escano, 51.

Ang oxalic acid ay isang nakalalason at walang amoy na uri ng kemikal na karaniwang ginagamit bilang bleach sa paglalaba.

Ayon kay PNP Crime Laboratory Acting Director Senior Superintendent Emmanuel Aranas, nagpositibo sa ‘oxalic acid’ ang toxicology examination sa mga sample na kinuha sa tiyan ng mga biktima.

Una rito, natagpuan ng mga guwardiya ang dalawa na walang malay sa parking lot ng isang mall sa Daang Hari, sa Las Piñas noong Hulyo a-9.

Nakita ang biktimang si Juliet sa loob ng kanilang sasakyan samantalang nakahandusay sa labas ang mister nito na si Jose Maria.

Sa pag-iinspeksyon ng SOCO sa sasakyan ng mag-asawa, nakuha sa loob ang isang plastic na bote na naglalaman ng juice, at ilang mga paper at plastic cup.

Sa autopsiya, tinukoy ang dahilan ng pagkamatay ng dalawa bilang ‘shock secondary to ingestion of toxic substance.

Matatandaang kumalat sa social media na maaaring sa nakain mula sa isang sikat na fast food ang sanhi ng pagkamatay ng mag-asawang Escano.

Matatandaang oxalic acid din ang nakitang dahilan ng mga otoridad kaya’t nasawi ang dalawa katao kabilang na ang may-ari ng Ergo Cha Milk tea House noong buwan ng Mayo sa Maynila./ Jay Dones

Read more...