Nalagay sa bingit ng alanganin ang buhay ng presidential sister at tinaguriang ‘Queen of all Media’ na si Kris Aquino makaraang tumaas ng todo-todo ang blood pressure nito kagabi.
Sa kanyang Instagram account, ipinaliwanag ng TV Host-Actress na una siyang nakaranas ng matinding pananakit ng ulo kahapon ng hapon habang siya ay nasa taping.
Sa kanyang pag-uwi, tatlong ulit aniya siyang nagsuka kaya’t nagpasya siyang magpakuha ng blood pressure na umabot sa 150/100.
Pero ani Kris, nang umakyat sa 200/110 ang kanyang BP, doon na siya nagpahatid sa ospital.
Sa muling pagkuha ng mga doktor sa kanyang BP, lalo pa itong tumaas sa 200/110 kaya’t nagpasya na ang mga doktor na i-admit siya sa pagamutan.
Paliwanag ng aktres/TV host, kung tumaas pa ng kaunti ang kanyang blood pressure, ay posibleng naputukan na siya ng ugat sa utak at tuluyang na-stroke.
Nagpasalamat ang aktres sa kanyang pamilya at sa kanyang ‘kuya’ na si Pangulong Noynoy Aquino na agad na sumugod sa The Medical City kung saan siya na-confine.
Nagsilbi aniyang wake-up call ang kanyang naging karanasan upang huwag nang abusuhin ang kanyang katawan sa pagtatrabaho at simulan ang isang healthy lifestyle.
“I will never again abuse my body because I was a slave to my work. My goal now is to achieve a healthy work & life balance.”
“Last night was a scary wake up call for me & my loved ones, but it also made me realize how much my siblings & sons love & care for me. It really put my priorities in proper perspective,” paliwanag ni Kris./ Jay Dones