Resorts World Manila sinalakay ng mga armadong suspek; bahagi ng casino nasunog

Kuha ni Jay Dones

(Developing story) Isinailalim sa lockdown ang Resorts World Manila sa Pasay City, matapos masunog ang bahagi nito at umano’y salakayin ng ilang armadong suspek.

Ayon sa mga nakasaksi na nakapanayam ng Radyo Inquirer, pumasok sa resort-casino ang mga suspek na nakasuot ng itim na jacket at may mga naka-maskara pa.

May isa umanong suspek na nag-lagay ng isang bagay sa isa sa mga mesa sa casino at nagtakbuhan ang mga tao, na sinundan ng sunog.

Kasalukuyan pang nasusunog ang isang bahagi ng ikalawang palapag ng Resorts World Manila, at ayon sa mga testigo, nakarinig rin sila ng mga sunud-sunod na putok ng baril.

Kinumpirma naman ng chief operations officer ng Resorts World na si Chief Operating Officer Stephen Reilly na mayroon ngang armadong suspek na pumasok sa casino.

Naglabas na rin ang Resorts World Manila ng pahayag, kung saan kinumpirma nila ang lockdown at tiniyak na nakikipagtulungan na sila sa Philippine National Police (PNP), kasabay ng pag-hingi ng panalangin para sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado at mga guests na agad namang nailikas matapos ang insidente.

Ilan ang umano’y nasugatan dahil sa madaliang paglabas, pagtalon sa gusali, habang ang iba ay dinala sa ambulansya dahil sa suffocation.

Rumesponde naman agad ang mga pulis at bumbero, at kasalukuyan na ring naroon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde.

Read more...