Aabutin ng tatlo hanggang limang araw ang timeline ng gagawing imbestigasyon kaugnay sa pagkasawi ng labing isang sundalo na tinamaan ng air strike ng Philippine Air Force kahapon kaugnay ng patuloy na opensiba ng militar sa Maute terror group.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, mismong si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año ang mangunguna sa ikakasang pagsisiyasat sa pagkamatay ng labingisang kawal ng 55th Inftantry Batallion ng Philippine Army at pagkasugat ng pitong iba pa.
Pahayag ni Lorenzana, nangyayari talaga ang aksidente sa ganitong mga pagkakataon kahit sa mga nakaraang labanan.
Ayon kay Lorenzana mas makabubuti na hintayin muna ang magiging resulta ng imbestigasyon bago gumawa ng anumang pahayag gaya halimbawa ng pagsalang court marshall sa mga pilotong nagkamali sa pagpapakawala ng mga bomba.
Alam na rin ani Lorenzana ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangyayari na labis na ikinalungkot ng Commander-in Chief.