Napilitan na bumalik ang isang Malaysian Airlines flight sa Melbourned airport makaraang sabihin ng isang pasahero na may dala itong bomba habang sapilitang pinapasok ang cockpit ng eroplano.
Ayon kay Malaysian Deputy Transport Minister Abdul Aziz Kaprawi, ang pasahero na isang Sri Lankan national, ay lumalabas na lango sa alak.
Dahil aniya lasing ang naturang pasahero, nagawa itong mapigilan ng mga crew ng eroplano sa pagpasok sa cockpit, at naaresto naman ng airport security sa Melbourne.
Nilinaw naman ni Kaprawi na hindi hijack ang naganap sa loob ng nasabing eroplano.
Hindi rin aniya bomba ang hawak ng pasahero, kundi isa lamang powerbank.
Sa kabila ng insidente, naging ligtas naman ang iba pang mga pasahero bukod sa naabala lamang dahil kinailangan bumalik ng eroplano sa Melbourne airport.
Bandang 11:11 ng gabi umalis sa Melbourne ang Flight MH128 at patungo na sana ito ng Kuala Lumpur bago maganap ang insidente.
Sinabi naman ni Supt. Andy Langdon ng Victoria state police na lumalabas na may history ng mental illness ang naturang pasahero.
Isinantabi ng mga pulis na may koneksyon sa terorismo ang naturang insidente.