US Comedienne Kathy Griffin, pinutakti ng batikos dahil sa Trump beheading photo

 

YouTube/Tyler Shields

Umaani ng matinding batikos sa social media ang US comedienne na si Kathy Griffin matapos itong mag-post sa social media ng larawan na hawak ang replica ng duguan at pugot na ulo ni US President Donald Trump.

Dahil sa umaapaw na negatibong reaksyon, napilitan ang babaeng komedyante na maglabas ng video clip ng kanyang public apology sa mga naapektuhan ng kanyang kontrobersyal na larawan.

Sa larawan na kinunan ng photographer na si Tyler Shields, makikita ang 56-anyos na si Griffin na hawak ang imahe ng pugot na ulo ni Trump na nakapost sa Twitter.

Gayunman, sa halip na ikatuwa ng publiko, umani ng katakut-takot na negatibong reaksyon ang larawan dahil sa kawalan umano ng respeto at karumal-dumal na imahe nito.

Ang kontrobersyal na larawan ay nakarating na rin sa kaalaman ng US Secret Service na nagbibigay-seguridad sa pangulo ng Amerika.

Sa kanilang tweet, sinabi ng US Secret Service na kanilang sinisiyasat na rin ang naturang larawan at kung may banta sa seguridad ng pangulo.

Sa kanya ring tweet, sinabi ni US President Donald Trump na maging ang kanyang 11-taong gulang na anak ay naapektuhan ng naturang larawan.

Aminado naman si Griffin na ‘lumabis’ siya sa kanyang pinakahuling gimmick at nagpahatid ng public apology sa isang video clip.

Read more...