Muling binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Democratic Front – Communist Party of the Philippines (NDFP-CPP).
“Kayong mga komunista, huwag na tayong magbolahan pinalaya ko ang marami sa mga kasamahan ninyo huwag kayong magmalaki sa pamahalaan…kung gusto ninyong tumulong sa ISIS lumipat na kayo sa kabila”, ayon sa pangulo.
Dagdag pa ni Duterte, “Kayong mga nasa ibang bansa huwag na kayong bumalik sa bansa dahil ikukulong ko lahat kayo…hindi na kayo makakatakbo dahil matatanda na kayo”.
Partikular na tinukoy ng pangulo ang naging pahayag ni CPP Founding Chairman Jose Maria Sison kaugnay sa kautusan sa mga kasapi ng New People’s Army ng opensiba sa mga vital installations ng pamahalaan.
Kasabay nito, pinuri naman ng pangulo ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front na parehong nagbigay ng katiyakan na tutulong sa pamahalaan sa pagdurog sa Maute terror group na lumusob sa Marawi City.
Sa kanyang talumpati sa 119th founding anniversary ng Philippine Navy sa Sasa Wharf sa Davao City ay tiniyak ng pangulo na bago siya bumaba sa pwesto limang taon mula ngayon ay mas matatag na Armed Forces of the Philippines ang kanyang iiwan.
Kasabay ng anibersaryo ng Philippine Navy ay pinangunahan rin ng pangulo ang commissioning ng BRP Davao del Sur na isang makabagong barko ng AFP.