Umano’y video ng dinukot na pari sa Marawi, pinag-aaralan ng AFP

VIDEO GRAB

Bineberipika ng Armed Forces of the Philippines ang video umano ng pari na si Father Teresito Suganob na viral ngayon sa social media .

Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, naisumite na ang naturang video sa kanilang technical personnel para suriin at pag-aralan.

Sa naturang video, mapapanood si Suganob na umaapela sa militar na itigil na ang opensiba laban sa Maute terror group kapalit ng kaligtasan ng mga “prisoners of war”.

Sinabi din ni Suganob sa video na dinukot siya para maging prisoner of war kasama ng iba pa na kinabibilangan ng isang babaeng propesor ng Mindanao State University, dalawang babaeng trabahador sa simbahan, dalawang lalaking guro ng Dansalan College Foundation Incorporated at limang babaeng guro ng Dansalan College Incorporated.

Ibinunyag din ng pari na aabot sa dalawangdaan na indibiduwal kabilang na ang mga karpintero, kasambahay, mga bata at Subanon tribes ang mga bihag ng Maute group.

Umapela din sa video si Suganob kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay na ang kahilingan ng mga terorista.

Sinabi ni Padilla na sakali man na tunay ang video, posibleng ginagamit na bargaining chip ng teroristang grupo ang mga sibilyan, at kabilang na dito si Father Suganob.

Una nang sinabi ni Marawi Bishop Edwin dela Peña sa panayam ng Radyo Inquirer na nilusob ng Maute group ang Cathedral of Our Lady Help of Christians ay tinangay ang ilang mga pari kabilang na si Suganob.

Ilang araw matapos ang pagdukot, lumutang at nagviral sa social media ang umano’y video ni Suganob.

Read more...